Lunes, Mayo 2, 2011

Tingga


(Ang muling paglathala ng kathang ito ay bilang parangal para sa magasawang  Police Insp. Antonino A. Rueco at SP02 Mary-Ann B Rueco na pataksil na pinatay ng mga subsersibo sa kanilang bayang pinamumunuan sa Rizal, Cagayan. Ang kathang ito ay hango sa mga kuwento at aral sa buhay ng iba’t ibang Kristiyanong pulis na nakasalimuha ng may-akda habang siya’y nagmiministeryo sa kapulisyahan. Mga aral na nagturo sa kabutihan, katapatan at biyaya ng Diyos)

Dumaloy ang dugo sa tumarok na tingga, na saki’y tumama dulot ng isang engkwentro...
Habang ang aking buhay ay unti unti kumukupas, dinalaw ako ng mga anino...

Itay, nandyan ka pala, Salamat sa payo...
Nanindigan sa malinis na buhay. Salamat sa iyong ehemplo:
kinarangal maging pulis at ginalang ka ng mga tao.
Salamat sa buhay mo at sa dangal ng pangalan ko.

“Estong” nariyan ka rin pala: pinakamatapang sa’ting grupo.
Buddy ko sa training, totoo at lagging maasahan.
Pinaraya mo ang buhay mo para sakin nung ma-ambush tayo.
Magkikita na tayo. Mapapasalamatan na kita-kaibigan.

Hepe, kayo napo ang bahala sa aking mag-ina.

Alam kong maasahan ka kahit sa anong kagipitan ko.
Gabay ka naming mga pulis: Strikto pero may malasakit sa tao.
Kung lahat ng opisyal ay gaya mo mas masarap amg magserbisyo.

Kamusta ka na SPO2 Boying: ang dakilang pabling.
Maraming asawa, maraming problema.
Di magkasya ang sahod, na-involve sa kidnapping
Minalas...sa Bilibid napunta

Di ka pa ba uuwi PO1 Emong? Nandito na ako ang iyo relyebo.
Pasensya ka na, late uli ako. Alam mo na siguro ang mga rason ko.
Huwag mo sanang gayahin ang kapalpakan pati kalokohan ko.
Habang bata manindigan sa tama, para na rin sa sarili mo.


Aba, nariyan din kayo, Egay, Lope, Jun at Jorge: tapat kong barkada.
Tunay ngang iba ang may pinagsamahan, hindi lang sa inuman.
Naglalakihan na ang tiyan natin, ibang iba sa tindig natin nung tayo’y nasa SAF pa.
Iwasan na natin ang bisyo, ngayong tunatanda na at sumasakit ang kasukasuan.

Kamusta na po kayo Kabo? Na promote na po ba kayo?
Alam kong darating din yun, maghintayhintay at magtyiga lang tayo.
Basta magtrabaho lang tayo at maging totoo sa serbisyo.
Huwag mawalan ng pag-asa; Alam kong kaya mo yan, idol ko

Major, tigil na po natin an gating masamang trabaho.
Marami na po tayong na perwisyo at nadehado.
Alam ko...Noon sumama at nakinabang din ako.
Pero para na rin sa ating mga anak, tumigil na po tayo.

Bro. Lando, salamat sa kakulitan mo, kahit puro panlalait ang inabot mo.
Salamat sa pagdalaw mo nung minsang na-ospital si bunso
Salamat sa dasal at aruga, na di ko akalaing manggagaling sa’yo
Salamat sa pagpapakilala mo kay Kristo. Makikita ko na Sya, nang may tahimik na puso.

Ines, ikaw na ang magpaliwanag kay JR, Lisa at Leo.
Pakipaliwanag na rin na kasama ito sa aking trabaho.
Dun sa mga tanong mo na di ko masagot, patawarin mo ako...
Ngunit wala akong binigay na pag-ibig na pumantay sa babaeng pinakasalan ko.

JR, Lisa at Leo, kayo na ang bahala sa inyong ina...
Mag-aral kayong mabuti at iwasan ang masamang barkada.
Alam kong marami akong pagkukulang bilang isang ama.
Sana malaman nyo na lahat ng pangangaral ko ay para sa inyong ikatatama

Ngayong lumalabo na ang kulay ng mundo at umaagos ang dugo sa aking pagkahandusay...
Walang pag-aalinlangan ang pag-aalay at ang medalya ay ang tinggang kumitil 
sa aking buhay...



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento